Showing posts with label lester tan. Show all posts
Showing posts with label lester tan. Show all posts

Sunday, November 11, 2007

sa'n na nga ba?

Miss na kita.

"Asa'n ka?"

'Yan lagi una mong tanong na medyo nakasanayan ko na, kaya minsan pag tumatawag ka, pagka-pindot ng "receive" button, automatic ko nang sasabihin ung kinaroroonan ko.

Ako naman magtatanong sa'yo niyan.

Asa'n ka na?

Naalala ko nanaman ung mga araw na kada ring ng cellphone ko eh panigurado ako eh ikaw un. Naalala ko nanaman ung mga gabing walang tulugan at walang babaan ng telepono. Naalala ko ung mga gabi na nakabalot pa ko ng kumot na tumatayo sa labas ng bahay dahil walang signal sa loob. Nagagalit ka pa 'pag naririnig mo na umuulan. "Asan ka? Huwag ka mag-sinungaleng. Pumasok ka nga sa loob. Ai ang kulet. Magagalit ako. Isa.." Naalala ko ung mga pag-tawag ko sa'yo 'pag worship na sa service kasi 'di ka naka-attend. Naalala ko ung mga sagutan natin sa blog. Naalala ko lahat ng iyak na ginawa ko kasi hindi kita mahanap, ni hindi makausap. Naalala ko ung mga lingon ko kakahanap sa'yo. Naalala ko ung bigla ka na lang napdaan sa harap ko, papunta ka ng LRT 2, Legarda station ts ako nasa sasakyan, papunta ng concert na tribute sa APO Hiking Society. Hindi ako naka-imik nun. Gusto kong bumaba at habulin ka para yakapin ka pero wala akong nagawa.Nanatili akong yelo sa kinauupuan ko. Naalala ko ung hating-gabi na kumain tayo sa McDo kasama si Daisy , galing tayo sa meeting ng Team Creative. Hindi rin tayo naka-imik nung tinanong niya tayo kung ano tayo o kung may "past" tayo. Siya lang naman ung isa sa mga tao na pinahahalagahan ko ng sobra. Sobra sobra. Yun lang naman ung gusto ko isigaw no'n. Naalala ko ung mga paglakad sa araneta at ung pag-try natin manood ng UAAP last year. Naalala ko ung Fire Floss at ung guava juice. Naalala ko ung pag-sakay natin sa "roller coaster" sa Fiesta Carnival. Naalala ko ung pag-sama ko kay mommy mo sa ospital para bantayan si daddy mo. Naalala ko ung pag-bantay ko sa'yo sa ospital. October 13, 2006 un. Friday. Sobrang lakas ng ulan ts ang sama ng pakiramdam mo. Ang arte mo nga nun, eh. Susunduin kita dapat sa bahay pero ayaw mo. Tawag ako ulit matapos ang isang oras, sabi mo, "Ba't andiyan ka pa? Kala ko susunduin mo ko?" Haay. Hanggang ngayon, ganiyan ka pa rin ka-arte.

At hanggang ngayon mahal pa rin kita.

Titgilan ko na ba ang pagtanong kung nasa'n ka? At titigilan ko na rin ba ang pag-intay ng tanong mo na 'yan?


Wednesday, February 14, 2007

one time big time (bago pumunta sa up fair)

Mahal kita.

At kahit ilang ulit, ilang tanong, pagbalibaligatrin man nila ako eh yan lang masasabi ko.

Mahal kita.

Ang kulit kung pano tayo nagkakilala. Pano nagkita. pano naging.. ganito.

Mahal kita.

Hindi ko alam kung kailan naging ganito ang situasyon. hindi ko alam kung titigil ako sa pagiging ganito. Hindi ko alam kung tadhana nga bang matatawag o sadiyang napaglaruan lang ng panahon, ng situasyon, o ni Bathala. Pero ito, pinaniniwalaan ko ito..

Mahal kita.

At kahit ilan pa siguro ang mag-rebuke sa'kin na hindi ko naman talaga naiintindihan kung bakit, ito lang ang masasabi ko at ito pa rin ang paulit-ulit na sasabihin ko.

Mahal kita.

Ganu'n ka-simple. Ganu'n kadali.

Ganu'n nga ba?

Kaya lang naman nagiging komplikado ang mga bagay bagay eh dahil rin do'n.. Dahil kung hindi kita mahal, kung ano-ano na siguro nagawa ko. Simple lang siguro ang mga bagay-bagay.

Mahal kita.

Pero malamang mas mahal ko Siya.

Mas mahal mo rin Siya.

At isa iyon sa mga dahilan kung bakit hahayaan ko ang sarili ko na mahalin ka.

Wednesday, August 23, 2006

lester tan

Labing-siyam na segundo. Higit pa kaya ‘yon do’n? Hindi ko alam. Alam ko lang gusto kong manatlili do’n. Labing-siyam na segundo.. Ni hindi ko akalain na mangyayari ang gano’n. Ni hindi sumagi sa isip ko kahit minsan. Oo, puwede nga na paminsan-minsan (O parati?) eh naiisip ko na makakasalubong kita. Sa LRT, sa kalye, sa bilihan ng kape, sa overpass, sa sinehan, sa pila, sa karinderya, sa bilihan ng waffle, sa bilihan ng C2, sa bilihan ng kendi, sa bilihan ng tiket sa tren, sa jeep, sa fx, sa simbahan..

Sa simbahan.

Tapos kaninang pasado alas-sais ay ayun ka. Naka berdeng t-shirt at tsaleko at khakis at tsinelas. Naka-sukbit pa rin ang unggoy na key chain sa bitbit mong bag na green na Adidas. Tumatawid sa harapan ko. Mas mahaba na nga ang buhok mo sa akin. Ang kulit na ang lumanay ng bagsak ng ulan. Ang kulit na parang bumagal ang takbo ng lahat. Totoo pala ‘yon. Akala ko eh ine-editlang nila un sa mga pelikula. Ginagawa lang na drama. Pero hindi pala. Kusa pala talagang bumabagal ang mga pangyayari. Kusa ka palang mapapa-tulala. Hindi pala kunwari yung ulan na pumapatak pag merong nangyayari na gano’n ka-drama. Kusa pala ‘tong nakikipag-laro. Ang kulit na nasa loob ako ng fx at ikaw, naglalakad ng mabagal sa harapan ng sasakyan na para bang binigyan ako ng ilang segundo para matitigan ka ulit. Ang kulit na matapos ang kulang kulang dalawang buwan eh nandiyan ka bigla sa harapan ko nang hindi natin sinadya. Na para bang napagbigyan at napagkatuwaan ng pagkakataon. Na parang gusto kong bumaba at yakapin ka at kamustahin ka at ewan ko kung anu-ano pa. Pero andun ako, nanatili sa kinauupuan ko. Walang magawa. Walang nagawa. Hindi pa rin makapaniwala sa pangyayari.

Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala sa nangyari.

At parang ang gusto ko lang ngayon eh ang ibalik ang sarili ko sa pagkalunod sa ilang segundo na un.