Gusto ko ulit gumising sa gano’ng umaga. Wala pang alas sais ‘yon, pero kumpleto na ang tulog ko. Swabe ang bagsak ng araw sa kusina. Sakto sa pag-dungaw mo sa sampayan sa labas na hindi ko naman alam kung meron nga ba akong gustong hanapin o gusto ko lang talaga itong makita. Sakto sa pan de sal na binili ng lola. Sakto sa balita na ina-anunsyo sa AM transistor na pinapakinggan ni lolo ko na iba kina Mozart, Chopin, Bach, at kung sino-sino pa na pinapatugtog ng tatay ko sa bahay at sasakyan namin.
Magandangmagandangmagandangmagandang…
Magandang umaga na nga. Tulala lang sa kulambo na pilit kong inaayawan. Ang init kasi sa loob,eh! Pero sa susunod na umaga ng Sabado ay aun ka pa rin. Dun ka pa rin nagigising. Dun pa rin manggagaling ang maliit mong paa na tatapak sa sahig na narra.
Ang sahig na narra na ‘yon. Lagi kayong pinagsasabihan na ingatan ang pag-inom, na mag-tuyo ng maigi pagka-ligo para hindi tutulo-tulo ang tubig sa sahig. Pa’no ang tiyo eh laging ‘yong pilit na pinapa-kintab. Linggo-linggo kaming pinagsasabihan magpipinsan, pero linggo-linggo eh ganu’n pa rin ang pagtitiyaga niya mag-linis.
Linggo-linggo rin, isa lang ang naaalala mo na amoy. Hanggang ngayon, pag napapa-dalaw ka eh gano’n pa rin. Amoy ng magta-taho. Amoy ng sala. Amoy ng transistor. Amoy ng banig. Amoy ng mga magpipinsang walang kapagurang naglalaro. Amoy ng batang excited na sasama sa opisina ng tiya. Amoy ng mga tiyo at tiya na hindi nauubusan ng kuwento. Amoy ng silong na pinapasok namin ‘pag may mga nalalaglag na bagay. Ang dami na sigurong nanakaw na ala-ala ang silong na ‘yon.
Ang sarap bumalik sa gano’ng umaga. Biyernes, tapos nang klase eh hindi kayo sa bahay uuwi, pero sa Lola Mandaluyong. Ang sarap sigurong matulog ulit sa banig at gumising sa loob ng kulambo.
Ang sarap gumising ng walang halong lumbay.
No comments:
Post a Comment