Wala na si Ate Ku.
Si Ate Ku. Kute. Kasi ate na, kuya pa. Ang dakilang taga photocopy sa building sa kolehiyo ng medisina. Kanina lang napadaan ako dun bago mag-simula ang prayer meeting namin sa shed. Nakauwi na kaya si ate ku? Ang dilim. May tao at may makina.
Kakalungkot nga naman. May isang buwan na rin pala nag-simula ung bagong admin sa Xerox. May isang buwan na rin pala naming hindi nakikita sila Kute.
May isang buwan na rin palang gustong mag-aklas ng mga blockmate ko para ibalik ang tropa ni ate ku. Pati si ate na nasa building namin. Ang bagal bagal ni ateng bago! Isang page na nga lang, haba haba ng pila niya. Ayaw pa mag-reduce! Hindi kasi marunong. Buti pa si ate dati, kahit box office kayang kaya ang pila! Tsaka..
Un talaga un, eh. Tsaka.
Tsaka si ate inuuna mga bio. Tsaka kilala na tayo ni ate! Wala na tuloy chismis! Hahaha.. wala na tuloy mag-tatanong sa’min na kung kamusta ba ung exam namin na kaka-photocopy niya lang. Oo nga, puwedeng totoo na hindi niya naiintindihan kung ano nga ba ung lumalabas sa makina niya, pero totoo rin naman na mararamdaman mo ung concern niya.. Walang halong plastik ba. Wala nang buong tiyagang makikinig sa mga hinaing namin sa mga exam, sa mga prof, sa mga kapwa studyante, sa araw, sa guard, sa pagkain sa canteen, sa oras, at sa kung ano-ano pang mga bagay na hindi namin alam kung bakit namin binubuhos sa kanila kahit na sila eh may sari-sarili rin namang iniisip na tiyak na mas malaki dun sa mga kababawan namin pero nakakatuwang isipin na nakikinig sila na para bang pagkatapos nilang makinig eh ok na kami, kahit wala silang sabihin. Na totoo naman.
At pag may sinabi na sila…
Pag-igihan mo na makapasok diyan,ha?
Yan ang huli sa’king sinabi ni Kute nung huling araw nila sa pamantasan. Tinutukoy niya ang kolehiyo ng medisina. Si ate ku kasi napapagbalingan ko ng pagod, maraming beses na. sinermonan na rin ako niyan minsan. Tiyaga lang daw, sabi niya. Na ung mga studyante rin daw dati, hinaing nang hinaing. Kesyo pagod na, kesyo tinatamad na, kesyo hindi na daw nila kaya. Pero gaya nga ng sabi ni ate ku, asa’n na daw ung mga batang mareklamo na un. Ayun! Mga doctor na! Sabi niya hindi raw para sa kaniya ang pag-aaral, na matagal na daw niya un sinuko. Pero pag sa’min na mga studyante, talagang todo pag-pursige siya sa’min. makakaraos at makakaraos rin naman, kahit gano’ng hirap. Huwag daw bibigay.
Ang kulit na para sa isang tao na hindi nakapag-aral eh pinapahalagahan pa rin ito at mas pinapakita ang kahalagahan nito para sa ibang tao. Ang kulit lang na ung mga tao na may mas malalaking problema kesa sa pagkain sa canteen eh concerned na concerned na nakikinig pag nag-bubuhos kami ng mga hinaing. Ang kulit lang na ung mga tao na medyo dinadaandaanan lang namin araw araw eh siyang mga tao rin pala na hahanap-hanapin namin at papahalagahan ng ganito.
No comments:
Post a Comment