Labing-siyam na segundo. Higit pa kaya ‘yon do’n? Hindi ko alam. Alam ko lang gusto kong manatlili do’n. Labing-siyam na segundo.. Ni hindi ko akalain na mangyayari ang gano’n. Ni hindi sumagi sa isip ko kahit minsan. Oo, puwede nga na paminsan-minsan (O parati?) eh naiisip ko na makakasalubong kita. Sa LRT, sa kalye, sa bilihan ng kape, sa overpass, sa sinehan, sa pila, sa karinderya, sa bilihan ng waffle, sa bilihan ng C2, sa bilihan ng kendi, sa bilihan ng tiket sa tren, sa jeep, sa fx, sa simbahan..
Sa simbahan.
Tapos kaninang pasado alas-sais ay ayun ka. Naka berdeng t-shirt at tsaleko at khakis at tsinelas. Naka-sukbit pa rin ang unggoy na key chain sa bitbit mong bag na green na Adidas. Tumatawid sa harapan ko. Mas mahaba na nga ang buhok mo sa akin. Ang kulit na ang lumanay ng bagsak ng ulan. Ang kulit na parang bumagal ang takbo ng lahat. Totoo pala ‘yon. Akala ko eh ine-editlang nila un sa mga pelikula. Ginagawa lang na drama. Pero hindi pala. Kusa pala talagang bumabagal ang mga pangyayari. Kusa ka palang mapapa-tulala. Hindi pala kunwari yung ulan na pumapatak pag merong nangyayari na gano’n ka-drama. Kusa pala ‘tong nakikipag-laro. Ang kulit na nasa loob ako ng fx at ikaw, naglalakad ng mabagal sa harapan ng sasakyan na para bang binigyan ako ng ilang segundo para matitigan ka ulit. Ang kulit na matapos ang kulang kulang dalawang buwan eh nandiyan ka bigla sa harapan ko nang hindi natin sinadya. Na para bang napagbigyan at napagkatuwaan ng pagkakataon. Na parang gusto kong bumaba at yakapin ka at kamustahin ka at ewan ko kung anu-ano pa. Pero andun ako, nanatili sa kinauupuan ko. Walang magawa. Walang nagawa. Hindi pa rin makapaniwala sa pangyayari.
Hanggang ngayon ay hindi ako makapaniwala sa nangyari.
At parang ang gusto ko lang ngayon eh ang ibalik ang sarili ko sa pagkalunod sa ilang segundo na un.
No comments:
Post a Comment