Monday, January 28, 2008

juan


Ang laki-laki mo na.

'Yan ang madalas na marinig ko sa mga reunion. Lagi-lagi na lang, na parang nagugulat ang mga nakatatanda na hindi na kami ung mga sanggol na kinakarga-karga nila, o ung batang uto-uto na hinahalik-halikan nila kapalit ng kendi.

Na para bang sila lang ung tumatanda.

Aray.

Kwento ng nanay ko, nung bata daw ako, hindi ako umiiyak pag iniiwanan sa school; 'di kagaya nung mga bata na mawala lang sa paningin ang yaya eh humahagulgol na. Hindi din daw ako mahilig umiyak 'pag umaalis sila at yaya lang ang kasama ko sa bahay. Sia pa daw ung naiiyak 'pag naiisip niya na iiwanan niya 'ko. Naman. Kailan ko natutunan na masakit palang iwanan, kung gano'n? Kailan ko nga ba nalaman na hindi lahat nadadaan sa Hi-C at Hi-Ro?

Kanina hinatid ko ung kapatid kong mas bata sa may gate. May duty sa ospital. Tulog pa kasi ung maid kaya ako muna taga-lock. Pasado alas-kuwatro pa lang, ah. Sa loob-loob ko. Maaga pa. Hindi ba delikado?

Maaga pa. Teka, wala pa tayong bente-kuwatro oras magkasama. Weekends nga lang ako umuuwi dito, aalis ka na ka'gad?

Maaga pa. Tara, mag-laro muna tayo. Monopoly? Scrabble? Tong-its? Pusoy dos? O2 jam? Naalala mo ung power pusoy? Ung super-power-pusoy-dos-its? Biernes santo nung nakaraang taon natin na-imbento un. Wala si mama, kumpleto tayong magkakapatid dito; kasama rin natin ung boyfriend ni ate tsaka ang paborito nating pinsan.

Maaga pa. Kumain ka na ba? Almusal muna tayo. Kape? Naalala ko ung mga gabi na sabay tayo nagpupuyat para sa school. Naalala ko ung mga merienda natin pag bakasyon, o kaya pag kumpleto tayong magkakapatid. Ako ung taga-brew ng kape, ikaw ung taga-bili ng merienda o kaya si ate magluluto, o kaya pag tinatamad ka eh ung bunsong kapatid natin ang napagdi-disketahan natin utusan. Naalala ko rin nung ikaw pa ung bunso. Ewan ko ba kung ba't hindi tayo magka-sundo-sundo dalawa no'n. Habulan sa hagdan, kurutan, pati boxing natutunan ko dahil sa'yo. Lahat na yata nang sakitan. Pati ung pag-tulak mo sa'kin sa hagdan, naalala ko pa. Iyak ako ng iyak no'n, plakda sa garahe. Natatawa na lang ako ngayon. Ang sagwa kung gano'n pa rin tayo, no? Buti na lang hindi na. Ayaw na ayaw kitang nakikita dati. Umiinit ulo ko. 'Di ko akalain, mami-miss rin pala kita.

Maaga pa. Mag-kwentuhan muna tayo. Kamusta ka na?

Ang laki-laki mo na.

No comments:

Post a Comment