Sunday, March 22, 2009

pag-uwi

Tatlong ticket sa bus at anim, pitong oras
Para lang sabay tayong kumain ng lugaw
Pan de sal
Barbecue, mango juice, maanghang na noodles, at kape.

Tatlong ticket sa bus at anim, pitong oras
Isang trike, konting takbo, isang jeep, ilang minuto
Para lang ikaw ay malambing
Kita'y makasama, saglit na sandali.

Tatlong ticket sa bus at anim, pitong oras
Isang yakap
Isang gabi
Isang ngiti kahit luha ay nangingilid.

Isang ticket sa bus wala pang bente kuwatro oras makalipas

Saturday, March 7, 2009

ang masarap kainin ngayon ay

bukas.

sumpang ika'y manatiling aking iniibig, paninindigan

hanggang sa gatilyo ng langit ay kusang pumitik

* * *

pagsasamang ito'y mistulang punyal sa dibdib
sa hanay ng langit, tila 'di naakit
ating ipagpatuloy, maraming masisidhi
kung wakasan nama'y, lubos ang pighati

ano ba'ng gagawin, di ko na rin alam
upang maging matiwasay ating samahan
kung sa'ting dalawa lang ay wala namang problema
ngunit kumplikado ang sitwasyon, at meron pang iba

ang mga tunay na kahulugan ng pag-ibig, panalangin ko'y maging atin
nagsusumamo ako, nawa'y iyong naririnig
pagmamahalan ito at hindi naman digmaan
wala tayong dahilan upang matakot masaktan

ako'y sa iyo, wala ng makaaagaw pa
lumuluha man ngayon, may wakas rin ang pagdurusa
ano man ang mangyari ipagtatanggol kita
sasapit rin ang araw, malaya na kitang makakapiling sinta

at manghaharana ang kwerdas ng langit
sa'ting pagmamahalan, sila'y magbubunyi
sabi nga ni florante, lahat ay hahamakin
iyon ay gagawin hanggang makamtan ang tamis.

Friday, March 6, 2009

sagada lunch

Gutom sa’yo
Sayo’y naaakit
‘Di inaasahang ganito
Mararanasang pananabik

Makahingal man ang daan
Ito’y tatahakin
Maamoy ka lamang
Dumampi sa’kin sandali

Ang unang sulyap
Maalala ko’y nag-aalangan pang tumikim
Pagkadaplis mo sa aking dila ko’y, “Ito ba ay langit?”.

Ako’y patawarin niyo, Bantay, Batik
Mga mahal mo sa buhay, ‘di na muling maririnig
Pagkat sa aking tiyan
Sila ay nahihimbing.